CEBU CITY – Kinumpirma mismo ng alkalde ng lungsod Lapu-Lapu na positibo ito sa coronavirus disease 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Mayor Junard “Ahong” Chan, sinabi nitong nakuha niya ang resulta kagabi lamang matapos itong nagpa-swab test noong nakaraang araw.
Nabatid na tatlong beses na rin itong nagpa-rapid test at negatibo naman ang resulta.
Nilinaw ng alkalde na wala naman itong nararamdaman sa mga nakaraang araw, ngunit tila humina ang kanyang immune system dahil sa ito ay “overworked.”
Aniya, nagnegatibo naman sa swab testing ang kanyang pamilya, gayundin ang kanyang driver at close-in securities, bagay na kanyang ipinagtataka.
Dagdag pa nito, tanging ang kanyang backup security lang na wala sila gaanong interaksyon ang positibo sa COVID-19.
Kaugnay nito, may pagdududa ang alkalde na sa nasabing backup security niya ito nakuha kung saan hindi maiiwasan ang kanilang interaksyon sa oras na sila ay kakain.
Sa ngayon, nasa isolation room muna sa kanyang mismong pamamahay ang alkalde habang mino-monitor ang kanyang kalagayan.