Itinanggi ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Ahong Chan na consultant ng City hall ang Chinese national na may-ari ng Tourist garden hotel na sinalakay kamakailan sa Brgy. Agus na nag-ooperate ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub.
Ginawa nito ang paglilinaw matapos madiskubre ng National Bureau of Investigation ang isang ID ni Shouqi Zhao kung saan nakalagay na consultant ito ng Chinese Business Promotion na may pirma pa ng alkalde.
Si Zhao ay kabilang sa hindi bababa sa 162 na mga dayuhang naaresto nung panahon ng pagsalakay ng mga otoridad sa umano’y POGO hub sa naturang lungsod.
Tinawag pa ni Chan na peke ang natagpuang ID at aniya, madali na sa panahon ngayon ang pamemeke ng mga IDs gaya ng pamemeke ng mga dokumento na talamak na rin sa bansa.
Sinabi pa ng opisyal na hindi totoo na city consultant si Zhao at kanyang ipinaliwanag na hindi nag isyu ng ID cards ang lungsod para sa mga consultant at sa halip ay sertipikasyon lamang.
Idinagdag pa ng alkalde na para maging consultant ay dadaan pa sa masusing pagsusuri lalo pa’t isang dayuhan ito kaya nangangailangan din ng mas maraming dokumento.
Gayunpaman, inamin nito na nag-donate ang nasabing Chinese national ng mga computer sa city hall at solar lights sa isla ng Olango at ito rin umano ang presidente ng isang grupo ng mga negosyanteng Chinese.