CEBU CITY – Nasorpresa umano si Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan sa balitang maanomalyang P14.4 billion deal sa pag-operate ng Mactan Cebu International Airport (MCIA).
Iginiit ng alkalde na wala siyang alam tungkol sa nangyaring bidding para sa operation ng nasabing international airport.
Aniya, tanging alam lang nito na regular na nagbabayad ng buwis ang MCIA ngunit may pending pa umanong hindi nababayaran ang GMR Megawide Cebu Airport Corp. (GMCAC).
Ngunit nilinaw ni Mayor Chan na humingi ng konsiderasyon ang GMR at sa pamamagitan na lang ng staggard payment ang kanilang pagbabayad buwis, bagay na pinakinggan naman ng alkalde dahil sa nararanasang pandemya.
Inihayag ng alkalde na may “due process” naman na sinusunod kaya bahala na ang Department of Justice (DoJ) sa nasabing kaso at hihintayin na lamang ang resulta bago ito magpalabas ng official statement.
Una rito, humaharap ng patong-patong na kaso ang limang Pinoy at 11 banyaga dahil sa paglabag ng mga ito sa Anti-Dummy Law.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek ay sinampahan na ng NBI-Anti-Fraud Division (NBI-AFD) ng kaso sa Department of Justice ang mga suspek na kinabibilangan daw ng high-ranking official ng Mactan-Cebu International Airport Authority.
Kinilala ni NBI officer-in-charge Director Eric Distor ang mg suspek na sina MCIAA General Manager at Chief Executive Officer Atty. Steve Dicdican; ang mga opisyal ng GMR Megawide Cebu Airpot Corp. Filipino officers na sina Manuel Louie Ferrer, Edgar Saavedra, Oliver Tan, JZ dela Cruz at mga foreign national officers na sina Srivinas Bommidala (Indian), P. Sripathy (Singaporean), Vivek Singhai (Indian), Andrew Awquaa-Harrison (Ghananian), Ravi Bhatnagar (Indian) Ravishankar Saravu (Indian), Michael Lenane (Irish), Sudarshan MD (Indian), Kumar Gaurav (Indian), Magesh Nambiar (Indian) at Rajesh Madan (Indian).
Ang reklamo ay nag-ugat umano sa reklamo kaugnay ng pag-award sa operation at management ng Mactan Cebu International Airport na iginawad sa GMCAC sa ilalim ng 25-year concession matapos manalo sa bid na nagkakahalaga ng P14.4 billion.
Ang concession ay para sa expansion at operation ng MCIA na kinabibilangan ng konstruksiyon sa bagong passenger terminal kasama ang lahat ng associated infrastructure facilities; rehabilitation at expansion na dating terminal kasama rin ang associated infrastructure and facilities; installation ng required information technology at iba pang mga kagamitan na may kinalaman sa operasyon ng paliparan.
Kasama rin dito ang operation at maintenance ng parehong passenger terminals sa concession period.