-- Advertisements --

Inilabas na ng Vatican ang mga larawan ng huling resting place ni Pope Francis.

Maalalang sa huling kahilingan ng namayapang Santo Papa ay tinukoy niya ang Basilica of St. Mary Major bilang kaniyang huling hantungan.

Batay sa impormasyong inilabas ng Vatican, ang libingan ng Santo Papa ay gawa sa batong nagmula sa Liguria, isang rehiyon sa bansang Italy kung saan nagmula ang mga grandparents ng yumaong Santo Papa.

Susundin din ang kahilingan ng Santo Papa na simple ang kaniyang magiging huling hantungan kung saan tanging ang katagang ‘Franciscus’ ang nakasulat na magmamarka sa naturang libingan.

Makikita rin dito ang isang reproduction ng pectoral cross ng namayapang Santo Papa.

Ang libingan ni Pope Francis ay malapit lamang sa Altar of St. Francis sa naturang Basilica.

Alas-4 ng hapon (Philippine time) bukas (April 26), ay nakatakdang dalhin sa huling hantungan ang mga labi ni Pope Francis na unang pumanaw noong Lunes, April 21.