BUTUAN CITY – Isinapubliko na ng Police Regional Office (PRO-13) ang larawan ng founder ng investment scam na Forex Trading.
Ito’y upang matulungan ang pulisya at ang mga Forex investors na makita ito nang sa gayo’y mapanagot na sa mga atrasong kanyang nagawa.
Sinasabing niloko raw nito ang kanyang mga investors at hindi na nakapag-pay out, ilang linggo na ang nakalilipas.
Inihahanda na rin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang iba pang mga ebidensyang gagamitin sa kasong syndicated estafa na kanilang isasampa laban sa suspek na si Dimber Celis.
Napag-alamang wala sa kanyang bahay si Celis nang kuyugin ito ng mga galit niyang investors at hinakot ang lahat ng kanyang mga gamit kasama na ang sliding window, narra na main door, aparador at iba pa.
Nalaman ding ilang araw ng hindi umuwi sa kanyang bahay ang suspek at tanging mga caretakers lamang ang nakatira na sobrang natakot nang pasukin ito ng mga galit na tao.