Makasaysayan ang pagtatapos nang paglahok ng mga atletang Pinoy sa pambihirang Tokyo 2020 Olympics.
Sa nakalipas na 97 taon na pagsali ng bansa sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo, hindi lamang ang kauna-unahang medalyang ginto ang nasungkit ng Pilipinas kundi ang pinakamarami nitong medalya na napanalunan.
Noong taong 1932 sa Los Angeles Olympics o 89 na taon na ang nakalipas nang makatipon ng tatlong medals ang bansa sa pamamagitan ng mga atletang sina Teofilo Yldefonso sa swimming na may bronze, Simeon Toribio ng athletics sa high jump at si Jose Villanueva sa boxing na meron ding mga bronze medal.
Pero ngayon sa gitna ng matinding krisis sa pandemya may pasalubong ang mga bayaning atleta ng bansa ng apat na Olympic medals. Kinabibilangan ito nina:
Hidilyn Diaz – gold medal sa women’s 55-kg sa weightlifting
Carlo Paalam – silver medal sa men’s flyweight division
Nesthy Petecio – silver medal sa women’s featherweight
Eumir Marcial – bronze medal sa men’s middleweight class
Sa unang pagkakataon din sa kasaysayan ng Olimpiyada ay nanguna ang Pilipinas kontra sa mga karibal na bansa sa SEA Games na binubuo ng mga Southeast Asian Nations.
As of 12 midnight ng Aug. 7, ang Pilipinas ay pumuwesto sa mahigit 200 mga bansa sa ika-49.
Nalampasan pa ng Pilipinas ang Thailand na palaging angat sa Southeast Asia sa nakalipas na apat na Summer Games. Sa ngayon ang Thais ay merong isang gold medal at isang bronze mula sa kanilang 41 mga athletes.
Ang Indonesia na merong 28 mga athletes ay nagbulsa ng isang gold, isang silver at tatlong bronze medals.
Habang ang Malaysia na nagpadala sa Tokyo ng 30 mga atleta ay nagpakita ng isang bronze medal.