Inanunsiyo ng Las Piñas City government na nakahanda na ang kanilang mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong maaapektuhan ng transport strike ng grupong MANIBELA at PISTON ngayong Lune, April 15, hanggang Martes, April 16.
Ang naturang strike ng dalawang transport groups ay bilang pag-protesta sa ilang probisyon ng PUV Modernization Program.
Ayon naman sa public information chief ng Las Piñas na si Paul Ahljay San Miguel, may mga jeep pa rin na babiyahe para magserbisyo sa mga komyuter sa gitna ng transport strike.
Samantala, ipinaalam din nito na kahit walang nabanggit ang Metro Manila Development Authority o MMDA na daan sa Las Piñas na bawal ang e-trike at e-bike, ay bawal pa rin ang mga naturang sasakyan na dumaan sa Alabang-Zapote road.