LEGAZPI CITY – Mahaharap sa kaukulang kaso ang isang municipal councilor sa Malilipot, Albay matapos na sumugod at mag-iskandalo sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Kinilala ang suspek na si Coun. Joephil Bien, residente ng Barangay 2 Poblacion sa naturang bayan.
Sa impomasyon mula sa Albay Police Provincial Office, bigla na lamang umanong sumugod si Bien sa MDRRMO na armado ng isang jungle bolo o itak.
Pinagbantaan rin umano nito sina MDRRMO head Engr. Alvin Magdaong, 49 at ilan pang tauhan na nasa lugar nang mangyari ang insidente.
Sandaling umalis ito sa lugar subalit muling bumalik dakong alas-11:00 ng gabi, dala pa rin ang patalim.
Sa puntong ito, galit at aroganteng kinompronta nito ang mga tauhan ng MDRRMO habang hinahanap ang isang Domingo Bigcas at iba pang duty personnel.
Pinaniniwalaan namang nasa ilalim ng impluwensya ng nakakalasing na inumin ang suspek dahil matapos ang ilang minuto, pasuray-suray umano itong umalis sa lugar.
Desidido naman ang mga naagrabyado na sampahan ng kaso ang naturang konsehal.