-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinapaimbestigahan ngayon ng Provincial Government ng Davao del Norte ang nangyaring road crush na kinasangkutan ng kanilang ex officio member gamit ang provincial government vehicle.

Una ng nagpahayag ng pagkadismaya si Davao del Norte Governor Edwin Jubahid, dahil sa pag whitewash umano ni Davao del Norte Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Emerson Dave Silutan sa nangyaring insidente.

Sa blotter report mula sa Civil Security Unit (CSU), madaling araw ng March 21 nitong kasalukuyan, lulan ng provincial government vehicle si (SK) Federation President Emerson Dave Silutan at dalawang kasama na nakilalang sina James Sarucan at Patrick De Mabanding ng bumangga ito sa gate ng Suaybaguio RiƱa Elementary School sa Magugpo North, Tagum City.

Parehong lasing umano si Silutan at Sarucan na nagmula pa ng Davao City ng mangyari ang insidente, bagay na pinabulaan naman ng SK Fed President.

Sa ngayon, nagbigay na ng direktiba si Davao del Norte Governor Edwin Jubahid na paimbestigahan ang nangyaring insidente matapos malaman na tinangka pang tabunan at imanipula ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng kapulisan.

Kahapon, kasabay ng regular session ay humingi ng tawad si SK Fed President Silutan kasabay ng pag ako ng gastosin para sa nasirang gate ng naturang paaralan.