-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagkasawi ng isang sundalo na nabaril ng pulis sa bayan ng Pikit, North Cotabato.

Kinilala ni Pikit PNP Chief Police Major Maxim Peralta ang nasawi na si Sgt. Roy Degamo miyembro ng 6thID, Philippine Army na residente ng Carmen, North Cotabato.

Habang ang pulis na nakabaril sa ay kinilalang si Police Senior Sergeant Chris Paul Aninon Baldo na miyembro naman ng Midsayap MPS, na kasalukuyang naka sick leave dahil bago lamang ito sumailalim sa kidney transplant.

Ayon kay Peralta, nagsumbong ang nanay ng pulis na nagbabantay sa sari-sari store dahil natakot sa nakitang sukbit na baril ng sundalo.

Nagtaka umano ang nanay ng pulis kung bakit nandon ang lalaki kahit sarado na ang tindahan.

Kaya’t nang tanungin ng pulis ay hindi ito sumagot sa halip ipinakita ang kanyang dalang baril dahilan kung bakit ito pinaputukan na kalauna’y nag-alaman na lasing.

Agad naman na sumuko ang pulis sa Pikit MPS habang ginagawa pa ang mas malalimang imbestigasyon sa insidente.
Isinugod pa sa hospital ang sundalo ngunit tuluyan na itong binawian ng buhay.

Sa ngayon, ipinasiguro ni Peralta na magiging patas ang pulisya sa pagsasagawa ng imbestigasyon lalo na at kabaro nila at sundalo ang sangkot sa insidente.