KALIBO, Aklan – Nakatakda nang umuwi ngayong Lunes ng gabi, Enero 27, ang mga natitirang Chinese galing Wuhan, China, na kasalukuyang nakabakasyon sa Boracay.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., Biyernes ng gabi nakabalik na sa Wuhan ang 150 Chinese tourists habang Sabado ng gabi ay bumiyahe rin ang 179 na iba pa.
Ilan sa mga ito ay bahagi ng grupong nakabiyahe pa noong Huwebes ng umaga bago ipinatupad ang lockdown ng Chinese authorities sa nasabing siyudad na siyang pinagmulan ng outbreak ng novel corona (n-cov) virus.
Nilinaw pa ni Engr. Monserate na hindi ito mandatory repatriation, kundi kailangan silang pauwiin batay sa schedule ng kanilang package tours at hindi na papayagang magkaroon ng extension ang kanilang bakasyon.
Nabatid na ilang oras bago ang ipinatupad na lockdown sa Wuhan City, nasa 135 pang pasahero sakay ng charter flight ng Royal Air ang lumapag sa Kalibo International Airport.
Lahat ng crew members na pawang Pinoy ay hindi na umano pinayagang makababa ng eroplano pagdating sa Wuhan.
Sa kabilang dako, tiniyak ni Engr. Monserate na hindi makakaapekto sa operasyon ng paliparan ng Kalibo ang pagsuspinde sa flight galing Wuhan City.
Ang Kalibo International Airport ay may 30 international flights bawat araw na karamihan ay nagmula sa Wuhan, Shendou at Nanjing sa China.
May direct flights din ito sa Korea at Taiwan.