BAGUIO CITY – Isinailalim sa tinatawag na Last Farewell Rites to the Philippine Flag ang mahigit 100 na luma at labis na gamit nang mga bandila ng bansa.
Isinagawa ang seremonya sa Baguio na pinangunahan ng mga opisyal ng lungsod at ng Boy Scouts of the Philippines-Baguio City Council.
Alinsunod ito sa Section 14 ng Republic Act 8491 o ng Flag and Heraldic Code of the Philippines kung saan batay sa procedures, kailangang sunugin ang mga luma at “worn out” flags para maiwasan ang maling paggamit o paglapastangan sa mga ito.
Nagsimula ang cremation ng mga bandila sa pagbaba ng worn out flag mula sa poste ng watawat na sinundan ng pagmartsa ng mga scout at ng isang babaeng nakabihis bilang Inang Bayan.
Nagbahagi naman ang mga guest ng kanilang tribute sa kahalagahan ng seremonya at ng kasaysayan ng bandila ng Pilipinas.
Iminartsa muli ang worn out flag bago ito ginupit, inilagay sa cauldron at sinunog ng mga guest of honors.
Pagkatapos masunog, inilagay ang mga abo ng mga watawat sa isang urn tsaka inilibing sa lupa.