Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na puwede pang humabol sa enrollment ang mga estudyante sa public schools hanggang Nobyembre.
Paliwanag ni DepEd Sec. Leonor Briones, maaari pang humabol sa enrollment ang mga bata kahit mag-umpisa na ang klase sa Oktubre 5 basta makapasok ito sa 80% ng kinakailangang school days.
“Puwede naman silang humabol kasi mayroon tayong policy of late enrollment, which we allow for as long as maka-attend ang bata ng 80 percent of the equivalent of class days,” ani Briones sa isang virtual press briefing.
Sa pinakahuling tala, umakyat na sa 24.3-milyon ang bilang ng mga enrolled na estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan, kasama na ang Alternative Learning System.
Ang nasabing bilang ay halos 88% ng kabuuang bilang ng enrolled students noong nakalipas na taon.
Inihayag din ng kalihim na tumigil na rin ang migration o paglipat ng private school students patungo sa mga public schools.