Nag-iwan ng matinding pinsala ang supertyphoon Odette sa unang pag-landfall nito sa bahagi ng isla ng Siargao.
Ang Siargao ang isa sa pinakasikat na lugar sa Surigao del Norte at kilala sa mga resorts, sentro ng surfing at makikita rin ang largest mangrove forest reserves sa Mindanao.
Pero hindi pinatawad nang nagngangalit at lakas ng bagyo ang mga istruktura lalo na ang maraming mga kabahayan.
Nanlumo ang ilang mga personahe ng Philippine Coast Guard (PCG) nang makita ang lugar nang magsagawa ng aerial survey gamit ang Cessna Caravan 2081.
Ang survey ay bahagi nang paghahanda sa malawakang gagawing humanitarian assistance at disaster response operations para matulungan ang mga apektadong pamilya sa isla.
Makikita rin sa mga video na nakalubog pa rin ang malalawak na palayan sa matinding baha na kulay putik na bumabalot sa malaking isla.
Una nang tinawag ng ilang lokal na opisyal na “devastating ang damage” sa Siargao.
Kinumpirma rin ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na naging malaki ang pinsala na iniwan ng bagyong Odette sa Siargao.
Ayon kay Usec. Jalad, nagbigay na rin sa kanila ng inisyal na report ang provincial governor ng Surigao del Norte.
Lumabas din ang impormasyon na sinira ng bagyo ang airport terminal na totally damage pero magagamit naman daw ang runway ng paliparan.
Batay sa mga larawan, mistulang kinalbo ang terminal building ng airport.