Puspusan ang pagsusuri ngayon ng PNP sa lalim at lawak ng naging ugnayan ni P/Supt. Maria Cristina Nobleza sa teroristang Abu Sayyaf group (ASG) sa nagpapatuloy na tactical interrogation sa Camp Crame.
Una nang naaresto si Nobleza sa Bohol noong Sabado kasama ang umano’y asawa na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf na si Rennour Lou Dongon dahil sa tangkang pag-rescue sa isang sugatang miyembro ng ASG.
Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, tinutukoy pa ngayon ang lahat ng mga detalye simula nang magkakilala sina Nobleza at ang umano’y naging asawa na si Dongon.
Tiniyak naman ni Carlos na kapag napatunayang tinraydor nito ang pambansang pulisya, tiyak na mananagot si Nobleza.
Ang kasong treason ay isang mabigat na kaso na kaniyang kakaharapin.
Sa ngayon, patuloy ding inaalam ng mga police investigators kung ano ang dahilan ni Supt. Nobleza na magtungo sa Bohol.
Ito ay kahit inamin na niya na nandoon siya para dalhan daw ng gamot ang sugatang Abu Sayyaf member.
Palaisipan sa PNP ang lawak ng tulong na naibahagi na ni Nobleza sa operasyon ng bandidong Abu Sayyaf lalo na sa usaping “mobility” ng grupo bukod sa pagiging asawa ng isang bomb expert.
Sinabi na rin ni PRO-7 regional police director C/Supt. Noli Talino, ikinasal si Nobleza at Dongon sa isang Muslim rites.
Sentro rin sa investigation ngayon kung papaano napunta si Supt. Nobleza kay Dongon mula sa asawa nito na si S/Supt. Alan Nobleza na kasalukuyang police attache sa Pakistan.
Pahayag pa ni Carlos, ongoing pa ngayon ang malalimang imbestigasyon na isinasagawa laban kina Nobleza at Dongon.
Kinumpirma rin ni Carlos na hindi pa nakakausap ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa si Nobleza simula ng dumating ito sa Kampo Crame noong Martes.
Samantala, una ng sinabi ni PNP chief na kung anuman ang ginawa ni Supt. Nobleza ay hindi ito sanction ng PNP at kung mapatunayang nagpagamit siya sa teroristang grupo ito mananagot ang nasabing police official.