Lalo pang itinaas ng Philippine Rice Information System(PRiSM) ang lawak ng mga palayang inaasahang maaapektuhan sa mga pag-ulan at malalakas na hanging dala ng bagyong Querubin.
Sa inisyal na pagtaya ng satelite-based monitoring system dalawang araw na ang nakakalipas, umaabot sa dalawang libong ektarya ang tinatayang maaapektuhan.
Gayonpaman, sa pagtayang inilabas ngayong araw(Dec. 18), inaasahang papalo na sa 20,307 ektarya ng mga palayan ang maaapektuhan ng bagyo, kasama ang pag-ulang dulot ng Shear Line.
Malaking porsyento nito ay binubuo ng mga pananim na palay na nasa reproductive phase na nasa 12,734 ektarya.
Ang nalalabi ay binubuo ng 925 ektarya na nasa vegetative phase at 6,648 ektarya na nasa ripening phares.
Inaasahang malaking bulto nito ay mula sa Mindanao na siyang pangunahing tinutumbok ng bagyo, at maaari ring umabot hanggang Visayas at Bicol Region.