Pinangangambahan ngayon ang lalong paglala ng sitwasyon sa estado ng Seattle kung saan nasa ikalimang araw na ang pag-okupa ng mga nagpoprotesta sa mga police stations.
Nagbabala ang mga lokal na opisyal na baka umiral na ang “lawlessness” dahil inilalagay na ng mga raliyesta sa kanilang kamay ang batas matapos lumayas ang mga pulis.
Maging ang mga barikada ay hawak na rin ng mga demonstrador.
Umabot na sa anim na bloke ng lugar ang kinontrol ng mga ito.
Idineklara ng mga nagra-rally ang police free autonomous zones.
Ang occupation ay binansagang Capitol Hill Autonomous Zone o CHAZ.
Ang grupo ng lokal na Black Lives Matter ay nangako naman na aalis sila sa lugar na mga inukupahan sa kondisyon na tatanggalin ang kalahati ng budget na nakalaan sa Seattle Police Department at iukol ito sa pagtulong sa black community.
Doon naman sa Nashville, Tenessee at sa Asheville, North Carolina, tinangkang gayahin ng mga protesters ang nangyayari sa Seattle.
Pero ang kamay na bakal ng mga otoridad ang kanilang nakasagupa nang gamitan sila ng puwersa upang buwagin ang kanilang hanay.
Una nang nagbanta si US President Donald Trump na kung hindi babawiin ng mayor ng Seattle ang kanilang siyudad sa kamay ng mga raliyesta, siya na raw mismo ang kikilos.