Hinamon ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party List Representative France Castro ang pamunuan ng National Security Council na ilantad ang mga pangalan ng mga kandidato ngayong halalan na umano’y sinusuportahan ng bansang China.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos na aminin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa pagharap nito sa Senado na mayroong indikasyon ng information operations na isinasagawa ang mga Chinese state-sponsored sa bansa.
Kabilang na nito ang tangkang pangingialam umano ng China sa proseso ng eleksyon sa bansa ngayong taon.
Nanawagan rin si Castro ng imbestigasyon sa naturang mga importasyon at kailangan aniyang seryosohin ito.
Naniniwala rin ito na isa itong malaking banta sa demokrasya at pagiging independent ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay umapela si Castro sa publiko na maging vigilant ngayong panahon ng halalan at huwag suportahan ang mga kandidato na sinusuportahan ng foreign countries lalo na ng China.
Samantala, pinabulaanan naman ng Chinese Foreign Ministry ang alegasyon na ito ng NSC at sinabing walang interes ang China sa halalan sa Pilipinas.