Ibinasura ng isang federal court sa Los Angeles ang kasong isinampa ng adult film actress Stormy Daniels kay US President Donald Trump kaugnay sa isang non-disclosure agreement.
Batay sa desisyon ni US District Judge James Otero, nagkasundo na raw kasi sina Trump at ang dati nitong abugadong si Michael Cohen na hindi ipatupad ang nondisclosure agreement kontra kay Daniels.
Noong 2018 nang ihabla ni Daniels si Trump upang ipawalang-bisa ang hush-money agreement na pumigil sa kanya upang isiwalat ang umano’y sexual relationship nila ni Trump ilang linggo bago ang 2016 presidential elections.
Una nang tumanggi ang kampo ni Trump sa nasabing alegasyon, ngunit umamin kalaunan na kanya raw sinuhulan si Daniels.
Sa pahayag naman ng abugado ni Daniels na si Michael Avenatti, hindi raw nila ito itinuturing na pagkatalo.
Ayon kay Avenatti, nakuha raw ni Daniels ang kanyang gusto, na maikuwento ang kanyang istorya nang hindi nakakasuhan.
“The court found that Ms. Daniels received everything she asked for by way of the lawsuit — she won,” wika ni Avenatti. (CNN)