(Update) CEBU CITY – Nananatiling tikom ang bibig ng kampo ng lawyer-broadcaster na si Atty. Juril Patiño sa kabila ng pagkaaresto rito sa bahagi ng Pier 4 sa lungsod ng Cebu.
Ito ay matapos na mag-isyu ang Regional Trial Court (RTC) Branch 20 ng warrant of arrest laban sa abogado sa kasong rape.
Napag-alaman na umabot sa trial court ang naturang kaso laban sa kanya nitong taon base na rin sa mga nakalap na ebidensya.
Ayon sa senior agent ng National Bureau of Investigation (NBI-7) na si Atty. Donna Ver Inisan, matagal-tagal ng nagtatago ang naturang abogado at mamamahayag at papalit-palit pa umano ito ng sasakyan.
Dagdag pa ni Inisan, nakatakda nang ilipat si Patiño sa Cebu City Jail matapos itong kinustodiya ng NBI kung naibalik na sa RTC ang warrant nito.
Kung babalikan nagsampa ng reklamong rape ang 13-anyos na dalagita laban kay Patiño matapos umano itong ginahasa sa loob ng sasakyan.
Nauna na ring pinabulaanan ng broadcaster ang nasabing alegasyon kung saan ginawa niya ito sa kanyang programa sa Brigada News FM Cebu.
Aniya, kumpiyansa raw siya na lalabas din ang katotohanan.