Napili para susunod na pamunuan ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) si radio commentator, lawyer at pro-Duterte blogger na si Atty. Rose Beatrix Cruz-Angeles (Trixie Cruz-Angeles).
Ito ang kinumpirma ng kampo ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang pangunahing gawain ni Cruz-Angeles ay ang pangasiwaan ang mga operasyon ng PCOO na kinabibilangan ng pagsasagawa ng regular na press briefing sa mga media practitioners na nagko-cover sa mga aktibidad ng Malacanang.
Si Cruz-Angeles, na isang social media strategist sa PCOO mula Hulyo 2017 hanggang 2018 sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay tinanggap ang alok na maging press secretary.
Kung maalala, noong unang bahagi ng taong 2000s, nagtrabaho si Cruz-Angeles sa ilang mga ahensyang kasangkot sa heritage and cultural conservation.
Nagtrabaho rin siya bilang tagapagsalita ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at legal counsel para sa mga indibidwal na sangkot sa mga kontrobersyal na kaso.
Kabilang sa mga kliyenteng kanyang kinatawan ay ang itiniwalag na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II at dating pugante na naging Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Noong 2016, sinuspinde ng Korte Suprema si Cruz-Angeles mula sa pagsasanay ng batas sa loob ng tatlong taon.
Sinabi ng mataas na hukuman, nilabag niya at ng kapwa abogadong si Wylie Paler ang mga sipi sa code of conduct ng abogado laban sa mga hindi tapat na gawain, pagpapabaya sa mga legal na bagay na ipinagkatiwala sa kanila, at pananagutan para sa pera ng kliyente.
Naging radio show host at prominenteng blogger din ito kung saan sinusuportahan niya ang administrasyon ni Pangulong Duterte.