VIGAN CITY – Magkatuwang umanong itataguyod ng LCS Group of Companies at ng Dito Telecommunity ang operasyon ng ikatlong telco player sa bansa sa pamamagitan ng pagpirma nila ng kasunduan, kasama na ang kompanyang pag-aari ng pamilya Lopez.
Nakasaad sa kasunduang nilagdaan ng LCS Group at ng Dito Telecom na gagamitin nito ang mga common tower na ipapatayo ng kompanya ni dating Ilocos Sur governor na ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson para sa kanilang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, ang mga fiber optic cable naman ng pamilya Lopez ang gagamitin ng Dito para sa kanilang operasyon sa Metro Manila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni Singson na susuportahan nito ang Dito kahit na ang nasabing kompanya ang nanalo sa bidding noong nakaraang taon para sa ikatlong telco player sa bansa kung saan isa ito sa mga bidder kasama ng PT&T.
Aniya, pinaunlakan umano nito ang paki-usap sa kanya ng Dito na kung maaari ay tumulong ito sa pagpapatayo ng mga kailangan nilang pasilidad nang sa gayon ay tuloy na tuloy na ngayong taon ang initial commercial operation nito.
Kung maaalala, nagkaroon ng kaunting kontrobersiya sa pagitan ng Dito o ng dating Mislatel Consortium at ng LCS Group matapos makipag-bid noon ang Mislatel kahit na mayroon umano itong napirmahang exclusivity contract noong nakaraang taon sa kompanya ng dating gobernador.