-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Bumuo ng team ang Mobo MDRRMO sa Masbate upang mag-ipon ng relief goods na ihahatid sa mga apektado ng Bagyong Odette partikular na sa Mindanao.

Ayon kay Mobo MDRRMO Operation Team leader Nathaniel Aban Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dati nang gumagawa ng kaparehong inisyatiba ang naturang team sa mga nagdaang kalamidad sa Albay.

Nilalayon nitong magbigay-pag-asa at tulong sa mga apektado ng nasabing bagyo.

Nabatid na maliban sa mga relief goods magpapadala rin ng mga heavy equipment ang Mobo MDRRMO para sa clearing operations sa Visayas at Mindanao.

Hinihintay na lamang ngayon ang pinal na schedule upang makabiyahe na ang team na kinabibilangan ng nasa 20 indibidwal.

Dagdag pa ni Aban na may mga grupo ng riders na makikisabay sa kanilang operasyon upang maghatid ng relief goods at gamot.

Sa ngayon, marami na rin ang mga personal na nagtungo sa tanggapan upang maghatid ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad.