-- Advertisements --
Pinuna ni health expert Dr. Anthony “Tony” Leachon ang ginagawang pagmamalaki ng gobyerno sa dami na ng mga natuturukan ng COVID-19 vaccine.
Hinimok pa nito ang pamahalaan na dapat huwag magpakampante sa nasabing bilang at sa halip at tumutok na lamang ang gobyerno sa pagpapabilis ng mababakunahan kapag dumating na ang mga bakuna sa bansa.
Dapat na tignan daw ng gobyerno ang taas ng porsyento ng mga nababakunahan dahil sa ngayon ay nasa 1% pa lamang ang natuturukan sa kabuuang populasyon ng bansa.
Magugunitang ipinagmalaki ni vaccine czar Carlito Galvez na mayroon ng mahigit 1.2 milyon na mga Filipino ang nabakunahan na laban sa COVID-19 kung saan pang-apat umano ang Pilipinas sa mga mabilis na nababakunahan ang mga mamamayan sa ASEAN.