-- Advertisements --

NAGA CITY – DEAD-ON-THE SPOT ang leader ng isang organisadong grupo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Centro, Brgy. Talisay, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Arnel Saez alyas “Agi”, 52-anyos, residente ng Sitio Tondo, Brgy. Tagbakin, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Talisay sakay ng kaniyang tricycle ng bigla na lamang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa naturang insidente nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos isagawa ang naturang krimen dala ang baril na ginamit nito sa pamamaril.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga otoridad para sa posibleng pagkakadakip sa tumakas na suspek.