LAOAG CITY – Haharap sa kasong extortion ang leader ng P2P investment scam.
Ito’y matapos maaresto sa entrapment operation ng Laoag-Philippine National Police (PNP) kagabi si Angelica Joyce Nacino, 22-anyos, may live-in partner, residente ng Barangay Salet, Laoag City at tubong Barangay Poblacion Uno, Pasuquin, Ilocos Norte.
Kasunod ito ng reklamo ng isang Jamaica Tagalicud, residente ng Barangay 55-A Barit, Laoag City, dahil sa paghingi daw ng suspek ng malaking pera.
Kung maaalala, boluntaryong sumuko ang suspek sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa mga natatanggap na death threat.
Bumuhos kasi ang 80 biktima ng nasabing scam sa NBI upang ireklamo ang suspek dahil sa mga nakuhang pera na ipinangakong ibabalik sa mas malaking halaga.
Umabot sa humigit-kumulang P5 million ang diumano’y nakulimbat ng suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Col. Amador Quiocho, hepe ng PNP-Laoag, hinihintay nila na magreklamo ang iba pang biktima laban sa suspek para mas mabigat ang kaso.
Paliwanag nito na kung ilan lamang ang magrereklamo ay posibleng makapagpiyansa ito at gagawa na naman ng iligal na aktibidad.
Hindi naman nagpaunlak ng interview sa Bombo Radyo ang suspek matapos madakip.