
Dumating na sa senado ang leader ng Socorro Bayanihan Service Inc. na si Jey Rence Quilario o mas kilala bilang ” Senior Aguila ” ngayong araw.
Ito ay para dumalo sa isasagawang pagdinig ng senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald Bato dela Rosa.
Inaasahang tatalakayin sa naturang pagdinig ang iba’t -ibang isyu na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng Socorro Bayanihan Service Inc.
Kabilang na rito ang umano’y panggagahasa ng ilang miyembro nito sa ilang mga bata sa kanilang komunidad, forced child marriage, forced child labor, pang-aabuso sa mga bata at iba pa.
Tumanggi namang magpa-unlak ng interview si Quilario at sinabing sa pagdinig na lamang siya magpapaliwanag.
Kung maaalala, nakapag hain na rin ang National Bureau of Investigation ng ilang mga kasong kriminal laban sa ilang miyembro ng umano’y kulto noong Hunyo ng taong ito.
Inirerekomenda rin ng NBI ang pagsasampa ng kasong qualified trafficking at kidnapping pati na ang serious illegal detention laban sa leader ng umano’ kulto at sa labing dalawang miyembro nito.
Samantala, magsasagawa rin ng imbestigasyon hinggil sa mga paratang na ibinabato sa SBSI ang Department of Justice.
Tinanggihan naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kahilingan ng leader ng SBSI na si Jey Rence Quilario na sila na lamang ang mag-iimbestiga sa kanilang mga kasapi.