-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pinangunahan ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia ang agresibong kampanya sa paglikom ng pondo bilang national president ng League of Cities of the Philippines para matulungan ang mga kasapi na mga lungsod na labis na naapektuhan ng super Typhoon “Rolly”, Bagyong Quinta at Ulysses.

Ito ay kasabay ng online meeting ng LCP Special Committee for Typhoon Ulysses kahapon kung saan inihayag ni Leonardia na ang susi na makatulong sa mga nasalanta ay ang kampanya.

Ayon sa alkalde, ang sentro ng kampanya para sa paglikom ng pondo ang mga lungsod sa Visayas, Mindanao at ilang bahagi ng Luzon na hindi apektado ng bagyo.

Dagdag pa nito, maraming syudad na hindi apektado ng kalamidad na pwedeng makatulong.

Maaari rin aniya silang umapela sa mga compassionate individuals na tumulong sa mga nangangailangan.

Pakay ng LCP Special Committee na makalikom ng pondo sa Disyembre 11 na ipepresenta sa LCP board para desisyunan ang pamamahagi nito.

Ayon sa report ni LCP Secretariat executive director Atty. Shereen Gail Yu-Pamintuan, 74 na mga lungsod ang isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity.

Ito ay kinabibilangan ng 59 na mga lungsod na naapektuhan ng Bagyong Ulysses samantalang 17 naman ang naapektuhan ng Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.