KORONADAL CITY – Magpapatawag ng pagpupulong ang League of Governors of the Philippines kasama na ang hanay ng pambasang pulisya para mas mapabuti at mapalakas pa ang seguridad nga mga Local Chief Executives sa mga probinsya matapos ang madugong pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo kung saan malapitan itong pinagbabaril ng mga suspect na armado nga matataas na kalibre nga baril noong araw ng sabado sa loob mismo ng compound nito sa Pamplona, Negros Oriental.
Ito ang inihayag ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ,Presidente ng League of Governors of the Philippines sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Gov. Tamayo, magtatakda ito ng pagpupulong kasama na si PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr upang mapag-usapan ang mga nangyayaring pamamaril kung saan biktima ang mga Local Chief Executives at paano ito maagapan.
Pag-uusapan rin ang pagtukoy sa mga perpetrators sa mga assassination plot na ang mga biktima ay mga Local Chief Executives at paghuli sa mga mastermind ng mga ito.
Dagdag pa ng Gobernador, magpapasa rin ang liga nga mga gobernador ng threat assessment sa PNP para e-assess ang mga gagawing sistema at malaman ang mga plano ng mga masasamang loob.
Kinondena rin nito ang pagpaslang kay Governor Roel Degamo at mga pagtatangka sa buhay ng iba pang mga Local Chief Executives.
Nakatakda namang magtungo si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa probinsya ng Negros Oriental para personal na magpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng namatay na Gobernador at aalamin din ang mga hakbang ng lokal na mga kapulisan sa Negros Oriental sa pagpapaigting ng kanilang security measures sa boung probinsya.