Kinontra ni League of Municipalities of the Philippines (LMP) national president and Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson ang panukalang mas paghihigpit sa mga travel protocols sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Singson na maiiwasan daw na maging overcrowded ang Metro Manila kung papayagan ang mga mamamayan na magtungo sa mga lalawigan.
“Palagay ko mas makakatulong kapag pabayaan natin na umalis ang tao na pumunta sa kani-kanilang probinsya. Huwag nang istriktuhan,” wika ni Singson.
“Noong araw, istriktuhan, naiipon sila sa Metro Manila. Hindi sila makauwi sa kanilang lalawigan,” dagdag nito.
Sa kanilang lalawigan, inihayag ni Singson na niluwagan na raw nila ang kontrol sa mga border.
Inabisuhan na lamang daw nila ang mga biyahero na sumailalim sa quarantine sa kanilang bahay pagkadating nila sa lalawigan.
Ayon kay Singson, ang best practice ng mga bayang wala nang kaso ng COVID-19 ay ang pagsasagawa ng mga information campaign.
Para sa kanya, dapat aniyang patuloy na paalalahanan ng mga local government units ang kanilang mga residente tungkol sa COVID-19 at sa pagsunod sa minimum health standards.
Sa pinakahuling datos, nasa 24 na mga munisipalidad ang nananatiling walang kaso ng COVID-19.
Sa naturang bilang, 11 ang nasa Luzon, isa sa Visayas, at 12 sa Mindanao.