VIGAN CITY – Hinikayat ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na tumakbo bilang senador si President Luis “Chavit” Singson sa 2022 elections.
2019 nang maupong national president ng LMP si Mayor Singson at nakalikha ng mga programa at inisyatibo na nagpatunay ng kanyang epektibong liderato sa kanilang miyembro kung kaya’t lubos ang paghikayat at pagsuporta sa kanya ng kanyang mga kapwa alkalde.
Ayon sa LMP, naging instrumento rin umano si Singson sa mga policy reforms partikular sa mga local government units kung kaya’t tiwala ang liga na may mas mabuting benepisyo pa ang ibibigay nito sa kanila.
Bilang Local Chief Executive at dating National President of the Philippine Councilor’s League ay alam umano ni Singson kung ano ang nangyayari sa grassroots level kaya naman anila ay siya ang senador na kinakailangan ng bansa.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang alkalde kung tatanggapin nito ang paghikayat sa kanya ng liga.