Dinaluhan ng hindi bababa sa 200 na mga alkalde mula sa Mindanao ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) Mindanao Cluster conference na ginanap sa Cebu at magtatapos naman bukas, Agosto 9.
Layunin pa ng kaganapang ito na talakayin at ibahagi ang mga estratehiya, insight, at best practices para sa sustainable development sa Mindanao.
Sa ipinaabot na mensahe ni Department of the Interior and Local Government Secretary Atty. Benjamin Abalos Jr sa pamamagitan ni Regional Director Leocadio Trovela, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng Sustainable Development Goals (SDGs) bilang isang pandaigdigang panawagan na wakasan ang kahirapan, protektahan ang kapaligiran, at tiyakin ang kapayapaan at kaunlaran.
Maliban pa, nangako rin ang kagawaran na suportahan ang mga local government units sa pagkamit ng mga layunin nito at pag-aambag sa national development agenda.
Samantala, sa inihandang welcome dinner naman ng Kapitolyo, nagpasalamat si Gov. Gwen Garcia na pinili ang Cebu na pagdarausan ng kaganapan at sa karangalang dala ng mga alkalde sa pamamagitan ng presensya ng mga ito.
Sinabi pa ni Garcia sa mga Mindanao mayors na palagi umanong mayroon ang mga itong mapagmahal na mga kapatid sa Cebu at hinikayat ang mga itong palaging balikan ang lalawigan.