Sang-ayon ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa mungkahing pagsasailalim na sa buong bansa sa modified general community quarantine (MGCQ) sa buwan ng Marso.
Ayon kay LPP president at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr, handa naman daw ang lahat ng mga lalawigan para sa MGCQ lalo pa’t nakikita nila ang kagustuhan ng pamahalaan na pagalawin ang ekonomiya.
Ngunit sinabi ni Velasco, ang kondisyon lamang ay manatili dapat sa local government units ang lockdown power upang agad na makontrol ang posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Mungkahi pa ng gobernador, dapat buksan na ang iba pang mga negosyo, partikular na sa sektor ng transportasyon at mga provincial buses na mapayagan nang muling bumyahe.
Magugunitang iminungkahi ng National Economic Development Authority na isailalim na ang buong bansa sa MGCQ sa Marso upang mabalanse ang pagtugon ng gobyerno sa health crisis at ang pangangailangan ng mga mamamayan na kumita at gumastos.
Pero inilahad ni Dr. Guido David ng OCTA Research Team, posibleng maging dehado ang pamahalaan kung ilalagay nila ang buong Pilipinas sa pinakamaluwag na community quarantine.