-- Advertisements --

Kung ang League of Provinces of the Philippines ang tatanungin, mas gusto nilang ilipat sa Nobyembre 1 ang expansion ng Alert Level System sa labas ng Metro Manila.

Ayon sa kanilang presidente na si Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. kailangan pa ng mga local governments ng sapat na panahon para bumalangkas ng executive orders, pag-aralan ang guidelines para sa enforcement nito, at maipabatid din sa kanilang mga nasasakupan ang tungkol dito.

Kaya naman ay aapela aniya sila sa IATF para ipagpaliban ang Alert Level System expansion na magsisimula sana ngayong araw, Oktubre 20, hanggang Oktubre 31.

Mababatid na kahapon lang inanunsyo ng Malacanang ang expansion ng Alert Level System.

Una itong ipinatupad sa Metro Manila noon pang Setyembre 16 sa ilalim ng pilot test basis.

Base sa anunsyo ng Malacanang kahapon, ang Negros Oriental at Davao Occidental ay ilalagay sa ilalim ng Alert Level 4.

Alert Level 3 naman ang nakataas sa Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City at Davao del Norte.

Samantala, nasa Alert Level 2 naman ang Batangas, Quezon, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu, Davao de Oro, Davao del Sur, at Davao Oriental.