-- Advertisements --
OFW injured Beirut Lebanon
Mercy Mustera after the big blast in Beirut

BAGUIO CITY – Itinuturing na himala ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Beirut, Lebanon ang pagkakaligtas nito mula sa matinding pagsabog doon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay international correspondent Mercy Mustera, isa sa mga OFW na nasugatan sa insidente at tubong Malinao, Albay, sinabi niyang natutulog siya sa kanyang silid nang magising dahil sa malakas na pagsabog sa labas.

Natanaw daw niya ang nasusunog na warehouse hanggang sa naramdaman ang malakas na impact ng pagsabog na nagresulta sa pagkabasag ng mga kagamitan sa bahay ng kanyang amo.

Natumba at nasugatan din ang kanyang ulo, mukha at ibang bahagi ng kanyang katawan kung saan maraming dugo ang nawala sa kanya kaya siya nanghina.

Sinubukan daw niyang magpatulong ngunit nabigo siya kaya siya na mismo ang nag-apply ng first aid gamit ang panyo at tubig.

“Hinugasan ko ang sugat ko, andaming bubog ‘yong ulo ko, nanghihina ako pero ginawa ko ang lahat para mabuhay lang ako. Naligo ako, naka-survive ako sa apat na saging, apat na boteng tubig,” kuwento pa ni Mustera sa Bombo Radyo.

Pinagpapasalamat naman niya na dinala siya ng kanyang amo sa ospital bagama’t hindi siya agad naasikaso dahil punung-puno ang pasilidad.

beirut Lebanon explosion aftermath

Dahil dito, umaapela siya ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas sa ngalan ng mga Pinoy sa Lebanon dahil wala pa silang natatanggap na personal na tulong maliban lamang sa hotline na ibinigay ng embahada.

Dinagdag pa ni Mustera, maraming Pinoy na nasugatan sa insidente ang hindi na nagpagamot dahil hindi nila kayang magbayad sa mga ospital.