Bigo pa ring pataasin ng tubig-ulan ang Angat Dam sa kabila ng mga malawakang pag-ulan sa palibot ng watershed nito.
Batay sa record ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) hanggang kahapon, umaabot sa 178.13 meters ang lebel ng dam at mas mababa ito kumpara sa 178.26 meters na lebel ng tubig sa sinundang araw.
Ang naturang water elevation ay 1.87 meters na mas mababa kumpara sa minimum operating level nito na 180 meters.
Kapag bumaba na sa 180 meters ang elevation, ang water supply at ginagamit nang reserba para sa pangangailangan ng mga residente ng Metro Manila.
Umaabot kasi sa 90% ang isinusuply ng Angat Dam para sa mga pangangailangan ng mga konsyumer sa Metro Manila.
Nauna na ring itinigil ang pagsusuply ng tubig sa mga palayan sa Bulacan at Pampanga dahil sa pangambang tuloy-tuloy na bababa ang tubig.
Maliban sa pagtigil na pagsusuply ng irigasyon, nauna na ring tumigil ang dam na maglabas ng 200 megawatts power dahil hindi na kaya pang paganahnin ng dam ang apat na main generators na maglalabas sana ng hydropower, kasunod ng tuluyang pagbaba ng tubig mula sa minimum operating level.