Aasahan pa ang mga pag-ulan hanggang sa araw ng Martes, July 2, dulot ng Bagyong Egay na pinaiigting ang monsoon rains o habagat.
Sa 11:00 AM bulletin ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ngayong huling araw ng Hunyo, namataan na si “Egay” sa layong 820 kilometers sa silangan ng Infanta, Quezon, o 760 kilometers sa silangan ng Casiguran, Aurora.
Kumikilos ito pa-hilagangkanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras mula sa dating 15 kilometro bawat oras.
Taglay pa rin ng Bagyong Egay ang maximum winds na 55 kilometro bawat oras at parehong bugso na 65 kilometro bawat oras.
Una nang iniulat ng PAGASA na maliit ang tiyansa na tatama sa lupa ang bagyo pero nagbabala pa rin hinggil sa mga posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Metro Manila, Ilocos Region, Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), Zambales at Bataan.
Habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagya hanggang sa maulap na panahon na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan.
Sa Martes ng gabi o madaling araw ng Miyerkules tinatayang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Egay.
Hinggil naman sa namataang isa pang sama ng panahon o low pressure area sa bahagi ng Bataan, sinabi ng PAGASA na maliit pa ang tiyansa na ito ay tatama sa bansa.
Samantala, muling tumaas ang lebel ng tubig sa Angat sa gitna ng sunud-sunod na bagyo sa mga nakalipas na araw.
Mula Linggo ng umaga, nasa 158.64-meter na umano ang tubig sa Angat mula sa critical level na 160 meters.
Sa dating panayam sa National Water Resources Board, inaasahan aniya nila ang pagtaas ng lebel sa Angat Dam pagsapit ng Hulyo matapos sabihin ng PAGASA na magkakaroon na ng normal na rainfall conditions.