Mahigit dalawang linggo na lamang bago magsimula ang Olympic Games sa Paris, France, nananatili pa ring kwestiyonable ang kalinisan ng Seine River kung saan dito idaraos ang ilang swimming events.
Lumalabas kasing mataas pa rin ang E.Coli bacteria sa tubig ng sikat na ilog.
Sa isinagawang official testing ng city government ng Paris, nananatiling mataas ang presensiya ng bacteria sa Alexandre III Bridge, ang magsisilbi sanang venue ng triathlon.
Ito ay pinangangambahang magiging banta sa kalusugan ng triathletes.
Noong June 30, lumalabas na ang lebel ng E.Coli sa naturang ilog ay umaabot sa 2,000 colony-forming units(CFU) kada 100 milliliters. Ito ay doble sa ikinokonsiderang ‘ligtas’ na kalidad ng tubig.
Gumawa naman ng iba’t-ibang mga proyekto ang pamahalaan para mapagbuti ang lebel ng tubig ngunit sa kasalukuyan ay nananatili pa ring mataas ang lebel ng naturang bacteria.
Ang pag-ligo sa Seine River ay mahigit 100 taon nang ipinagbabawal dahil na rin sa polusyon. Gayunpaman, may ilang pagkakataon na pinayagan ang pag-ligo dito, bilang bahagi ng triathlon test events.
Sas kasalukuyan, gumastos na ang mga otoridad ng $1.55 billion para malinis ang naturang ilog.
Ayon sa mga eksperto, lalong tumataas ang lebel ng E.Coli kapag nagkakaroon ng mga malalakas na pag-ulan at bagyo.
Una na ring tiniyak ng Olympic organizing committee na may nakahandang Plan B sakaling hindi payagang isagawa ang ilang swimming event sa naturang ilog.