-- Advertisements --

Nadiskubre ngayon ng mga eksperto ang pagbulusok ng lebel ng polusyon sa China, na sinasabing dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito’y sa gitna na rin ng pagbaba ng factory activity sa buong bansa dahil hindi muna nagtrabaho ang mga manufacturers upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa satellite images na kuha ng US space agency na NASA, bumaba nang husto ang lebel ng nitrogen dioxide sa hangin sa China, na kanilang ikinumpara sa kaparehas na panahon noong 2019.

Posible rin aniyang nakaambag dito ang pagbagal ng ekonomiya sa China bunsod ng COVID-19.

Sinabi pa ng mga siyentipiko sa NASA, una nilang nakita ang pagbaba sa nitrogen dioxide levels malapit sa itinuturing na epicenter ng outbreak sa Wuhan City, at kumalat na rin sa buong bansa kalaunan.

Inihayag ng space agency na ang paghupa ng air pollution levels ay nataon sa ipinataw na restriksyon sa transportation at business activities, maging sa pagsailalim sa quarantine ng milyun-milyong katao.

“This is the first time I have seen such a dramatic drop-off over such a wide area for a specific event,” wika ni Fei Liu, isang air quality researcher sa Goddard Space Flight Center ng NASA.

Ang nitrogen dioxide ay isang mapanganib na gas na kadalasang ibinubuga ng motor vehicles at industrial facilities. (BBC)