Sa kabila ng mga malalakas na pag-ulang naranasan sa malaking bahagi ng Luzon dulot ng Habagat, bumaba pa rin ang lebel ng tubig sa Angat Dam, ang pangunahing nagsusuply ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila at karatig-probinsya.
Batay sa inilabas na monitoring report ng Hydrology Division ng Department of Science and Technology, umaabot lamang sa 183.99 meters ang lebel ng tubig ng Angat hanggang kaninang alas-8 ng umaga(Aug 28).
Ito ay mas mababa ng halos 20 centimeters mula sa 184.17 meters na lebel nito noong Aug 27.
Maliban sa Angat, bumaba rin ng halos 30 sentimetro ang lebel ng tubig sa Binga Dam mula sa dating 571.58 meters kahapon at naging 571.30 meters kaninang umaga.
Ang dalawang dam lamang ang nagpakita ng malaking pagbaba ng lebel ng tubig kumpara sa iba pang malalaking dam sa Luzon na pawang tumaas ang lebel.
Kinabibilangan ito ng Ipo Dam, Ambuklao, San Roque, Pantabangan, Magat, at Caliraya.
Una nang iniulat ng Hydrology Division kaninang umaga na umapaw na ang La Mesa Dam sa Quezon City matapos lumagpas ang lebel ng tubig nito sa Normal High Water Level na 80.15 meters at umabot sa 80.20 meters.