Pinangangambahan ngayon ng mga kinauukulan ang posibilidad ng pagbaba pa ng lebel ng tubig sa Angat dam ngayong buwan ng Mayo 2024 nang mas mababa sa itinakdang minimum operating level nito na 180 meters.
Sa gitna pa rin nito ng matinding init ng panahon na nararanasan ngayon sa bansa dulot ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Carlos Primo David, dahil dito ay inaasahang maaapektuhan ang supply ng tubig sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Kinakailangan kasi aniyang muling mag-analyze ang mga kinauukulan sa supply ng tubig at magbawas din ng supply nito na makakaapekto naman sa National Irrigation Administration at mga lugar sa Metro Manila.
Samantala, sa kabila nito ay Inihayag din ng opisyal na nag develop na rin aniya ang pamahalaan ng iba pang mapagkukunan ng tubig tulad ng Laguna Lake, Wawa Dam, mga deep wells, at iba pa para makapag supply ng tubig pansamantala sa Metro Manila sa ganitong uri ng mga panahon.
Gayunpaman ay umaasa pa rin opisyal na makakatulong pa rin ang panaka-nakang pag-ulan na nararanasan sa ilang bahagi ng Pilipinas upang matugunan ang nagpapatuloy na epekto ng El Niño sa bansa.
Kaugnay nito ay patuloy namang pinapayuhan ng mga otoridad ang publiko na maging matipid sa paggamit ng tubig sa lahat ng oras.