Lalo pang bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng mabibigat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.
Umabot na lamang sa 173.93 meters ang lebel ng tubig ng dam, mas mababa ng 18 centimeters mula sa sinundan nitong araw na umabot noon sa 174.11 meters.
Ang kasalukuyang lebel ay mas mababa ng mahigit anim na metro kumpara sa 180 meters na minimum operating level ng dam.
Kumpara sa normal high water level ng Angat dam, malayong mas mababa rin ang kasalukuyang lebel nang hanggang 36 meters.
Dahil dito, mananatili pa rin ang mas mababang water pressure para sa mga water consumer sa Metro Manila.
Ang Angat Dam kasi ang nagsusuply ng mahigit 90% sa NCR.
Maliban sa Angat Dam, nakitaan din ng pagbaba sa lebel ng tubig sa anim na iba pang dam sa Luzon katulad ng Ipo Dam sa Bulacan, Ambuklao at Binga Dam sa Benguet, San Roque sa Pangasinan, Magat Dam sa Isabela, at Caliraya sa Laguna.