Tuloy-tuloy nang tumaas ang lebel ng tubig sa mga pangunahing dam sa Central Luzon kasunod ng walang humpay na pag-ulan mula pa sa mga nakalipas na araw.
Ang antas ng tubig sa Angat Dam na nagsusuplay ng pinakamalaking porsyento ng tubig sa mga konsyumer ng Metro Manila ay umabot na sa 177.48 mets mula sa dating humigit-kumulang 174 meters sa mga nakalipas na araw.
Gayunpaman, nananatili pa rin itong malayong mas mababa kaysa sa normal high water level na 212 meters.
Ang antas ng tubig sa Ipo Dam naman ay kasalukuyang nasa 100.93 meters na. Halos umabot na ng naturang dam ang spilling level na 101 meters.
Samantala, umabot na sa spilling level ang tubig sa maliit na impounding dam na Bustos Dam, dahil pa rin sa tuloy-tuloy na mga pag-ulan.
Kasalukuyan na kasing nasa 17.41 meters ang lebel ng tubig nito habang ang spilling level ay nasa 17 meters lang.
Sa kasalukuyan, pinapakawalan na ng Bustos ang tubig mula sa reservoir nito na maaaring makaapekto sa mga kabahayan sa downstream area.