Umangat ang lebel ng tubig sa maraming dam sa Luzon, kasunod ng walang tigil na ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Batay sa report na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong araw, umangat ang lebel ng tubig sa Angat Dam, Ipo Dam, La Mesa Dam, Ambuklao Dam, Binga Dam, Caliraya Dam, at Magat Dam.
Tanging ang Pantabangan at San Roque Dam ang nakitaan ng bahagyang pagbaba ng antas ng tubig kung saan 33 sentimetro ang ibinaba sa San Roque habang walong sentimetro naman sa Pantabangan.
Ang Angat Dam ang nakapagtala ng pinakamalaking pag-angat. Nairehistro sa dam ang 1.44 meters na pagtaas, daan upang maabot na nito ang 208.42 meters na antas ng tubig.
Ito ay halos apat na metro na lamang bago maabot ang Normal High Water Level ng dam ay 212 meters.
Sumunod sa Angat ay ang Magat Dam na nagtala ng halos isang metrong pag-angat(.97cm).
Pangatlo rito ang Binga Dam na nagrehistro ng 51 sentimetro na pagtaas, habang ang lebel ng tubig sa Ipo at Ambuklao Dam ay kapwa tumaas ng mahigit 30 sentimetro.
Sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng lebel ng tubig ng mga naturang dam, wala namang nagbukas ng floodway gate, batay pa rin sa report ng ahensiya.