Nananatili pa ring normal ang lebel ng tubig sa mga dam sa Luzon, sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-ulang dulot ng bagyong Kristine.
Batay sa report na inilabas ng Hydrology division ng Department of Science and Technology (DOST), tanging ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija pa lamang ang nakapagtala ng bahagyang pagtaas mula sa dating lebel ng tubig nito kahapon, Oct. 21.
Kahapon kasi ay nasa 205.02 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam at ngayon ay bahagya itong umangat sa 205.12 meters.
Ang ibang mga dam na kinabibilangan ng Angat Dam, Ipo Dam, La Mesa Dam, Ambuklao, Binga, San Roque, Magat, at Caliraya, ay pawang nakitaan na ng pagbaba sa lebel ng tubig, sa kabila ng mga pag-ulan.
Sa kasalukuyan, tanging ang Ipo Dam ang malapit sa spilling level nito na 101.10 meters. Sa ngayon kasi ay nasa 100.33 meters ang lebel ng tubig ng naturang dam.