Aminado ang veteran superstar na si LeBron James na medyo nangangapa pa ang Los Angeles Lakers matapos na kunin nila ang halos 11 mga players para sa bagong NBA season.
Ginawa ni James ang pahayag matapos na matikman ng team ang ika-limang sunod na talo sa kamay ng Golden State Warriors bilang bahagi ng exhibition games.
Hanggang sa ngayon bokya pa rin ang Lakers sa kabila nang pagpapalakas ng koponan.
Paliwanag ni LeBron, first time lamang nilang makasama ni Anthony Davis ang dati ring MVP na si Russell Westbrook kaya medyo nangangapa pa raw sila.
Sa kabila nito, tiniyak nina LeBron, Westbrook at Davis walang dapat ikabahala sa kanilang mga fans dahil gaganda rin ang kanilang mga diskarte.
Nagpadagdag naman sa kamalasan ng Lakers ang pagkakaroon ng mga injuries ng kanilang limang players, samantalang nalalapit na ang pagbubukas ng season sa October 19.