-- Advertisements --

Magkasamang nagsanay ang mag-amang Lebron at Bronny James kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng 2024-2025 Season ng National Basketball Association (NBA).

Bagamat hindi pa opisyal na nagsisimula ang team workout ng Los Angeles Lakers para sa pagbubukas ng bagong season, nagsimula na ang mag-ama sa kanilang training kasama ang ilang training staff ng LA.

Matapos ang paglalaro ni Lebron sa Team USA noong Paris Olympics ay nagbakasyon muna siya ng dalawang lingo.

Agad siyang bumalik sa practice makalipas ang ilang lingo, kasama ang kanyang anak at teammate.

Ang sabay na paglalaro ng mag-ama sa ilalim ng iisang team ay kauna-unahang mangyayari sa kasaysayan ng NBA.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na plano ang LA kung kailan masisilayan ng fans ang sabay na paglalaro ng mag-ama.

Gayunpaman, sinubukan na ng dalawa ang pickup game, switching, passing, atbpang play na nangangailangan ng magandang koneksyon at koordinasyon sa pagitan ng dalawa o mas higit pang player.

Sa kasalukuyan, 19 anyos ang 6’2 na si Bronny habang ang kanyang tatay ay 39 anyos.