-- Advertisements --
Lakers Lebron Anthony Davis
Lakers LeBron and Davis (photo from @Lakers)

Nagsama ng puwersa sina LeBron James at Anthony Davis upang itabla ang serye sa tig-isang panalo laban sa Houston Rockets.

Ito ay makaraang idispatsa ng Lakers ang Rockets sa Game 2 sa score na 117-109 sa Western Conference semifinals.

Kumayod ng husto si James na nagtala ng 28 points, 11 rebounds at nine assists sa kanyang all-around game.

Si Davis naman ay hindi nagpahuli nang maghari siya sa kanyang 34 points at 10 rebounds.

Sa first half pa lamang ay binuksan kaagad ng Los Angeles ang 21-point na kalamangan.

Bagamat nanamlay sa 3rd quarter ang mga bata ni LA coach Frank Vogel, pagsapit ng 4th quarter itinodo na ni James ang pag-atake sa depensa ng Rockets.

Ginamit din nina James at Davis ang kanilang bentahe sa laki upang samantalahin ang mas maliliit na humaharang sa kanila.

Aminado naman si LeBron na malaking adjustment nga ang kanilang ginawa upang mapigilan ang karibal na team na ibaon sila sa 2-0 lead.

Puring-puri rin ang pagbabalik ni Rajon Rondo sa koponan na halatang nasa “adjustment period” din sa Game 1.

Sa first quarter ay makikitang lutang na lutang ang tambalang Rondo at Markieff Morris, nang magpasok ng 4-for-4 ang huli sa 3-point area.

lakers Markieff Morris
Markieff Morris

Ang naturang puntos ni Morris (16 points total) ay pawang mula sa assists ni Rondo.

Nagtapos sa game si Rondo na may 10 points, nine assists at five steals sa loob ng 29 minutos.

Sa kampo ng Houston si James Harden ay nasayang ang 27 points at si Eric Gordon naman ay nagposte ng anim na 3-pointers na kabilang sa 24 na puntos.

Sina P.J. Tucker naman ay may 18 points at Robert Covington ay nagtapos sa 17 pero si Russell Westbrook ay inalat na meron lamang apat na puntos mula sa 15 attemps.

Nagpakita ang dating MVP ng 10 points at 13 rebounds at umabot pa sa pito ang kanyang turnovers.

Ang Game 3 ay gagawin sa Miyerkules.