LOS ANGELES – Hindi pinahiya ni LeBron James at ng Los Angeles Lakers ang kanilang fans matapos pataubin ang Utah Jazz, 95-86, sa kanilang unang home game ngayong season sa loob ng Staples Center.
Halos gumawa ng triple-double ang four-time MVP na si James sa kanyang 32 puntos, pitong rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Lakers sa kanilang unang panalo.
Lamang sa kabuuan ng laro ang home team at tuluyang lumayo ang kalamangan sa third quarter matapos itong magbuhos ng total na 31 puntos para sa 22 puntos na abanse.
Depensa ang naging puhunan ng Lakers sa pagdomina sa laban matapos magtala ng siyam na blocks at 14 na steals.
Naging maingat din sa bola ang koponan na mayroon lamang 14 turnovers kumpara sa 23 ng Utah.
Nagtala naman ang tandem ni James na si Anthony Davis ng 21 puntos, pitong rebounds, dalawang assists, dalawang steals at limang blocks para sa kanyang unang panalo sa Lakers uniform.
Sa kabilang banda, nag-ambag ng team-high 24 puntos si Donavan Mitchell kasama ng tatlong assists, limang rebounds at tatlong steals.
Sunod na lalabanan ng Lakers ay ang Charlotte Hornets sa ika-28 ng Oktubre.