Muling namayagpag si Stephen Curry sa kanyang 27 points, seven rebounds at season-high na 12 assists para pangunahan ang panalo ng Golden State Warriors laban sa Sacramento Kings, 114-100.
Ito na ang ika-anim na sunod-sunod na panalo ng Warriors mula nang malasap nila ang tatlong magkasunod na talo.
Nag-ambag din sa team si Draymond Green na may season-best na 23 points at eight assists, habang si Ian Clark ay kumamada ng 10 points para patibayin pa ang NBA record na 58-14.
Sa kampo ng Kings (27-45) si Buddy Hield ay may career-high na 22 points, eight rebounds at seven assists, samantang may 20 naman si Ty Lawson sa bigong kampanya ng koponan.
Sa ibang laro, bumawi sa pagkatalo nitong nakalipas na araw ang NBA defending champions na Cleveland Cavaliers at sa pagkakatong ito ay itinumba ang Charlotte Hornets, 112-105.
Kung maalala sa nakaraang Huwebes ay nalasap ng Cavs ang worst loss sa kamay ng Denver Nuggets.
Sa laro naman kanina si LeBron James ang bumida sa kanyang halos triple double na may 32 points, 11 assists at nine rebounds.
Pormal na ring nasungkit ng Cavs ang Central Division title.
Tinuldukan ng Cavaliers (47-24) ang three-game winning streak ng Charlotte (32-40) para manatili sa Eastern Conference standings.
Sa laban bukas kontra sa Wizards ay walang kasiguraduhan na maglalaro pa si James dahil sa kanyang mata na natamaan ni Jeremey Lamb.
Sinasabing kinakailangan ni James na sumailalim muna sa eye checkup.
Tumulong din naman kay LeBron si Kyrie Irving na may 26 points habang si Kevin Love ay nagdagdag ng 15 points at 12 rebounds.